Thursday, February 13, 2014

KWENTUHAN # 6 ANG PURGATORYO

BOK:

May napanood ako sa TV yung Ang Dating Daan, sabi nila buti pa daw ang pipino mababasa sa Biblia, pero ang PURGATORYO hindi! Imbentong aral lamang daw ito ng mga Katoliko!

PAUL:

Unang- una ito ang kabustusan ng ibang sekta ng pananampalataya eh, pinapaliwanag nila ang aral na hindi naman kanila. Pag aral nila sila nagpapaliwanag, pag aral natin sila pa din? Kaya nga hindi gawain ng Katoliko na manira ng ibang sekta para lang paniwalaan, hindi natin gawain na magpaliwanag ng doktrina ng iba at pabulaanan ito para palabasin na tayo ang tama. Dahil sa huli ang ginawa mo lang ay mangutya at manira at hindi ang magpatunay.

Ngayon bago natin sagutin kung Biblical ba ang Purgatoryo, alamin muna natin ano ba ang opisyal na turo ng Simbahang Katoliko ukol dito na tinatawag din nating “The Final Purification”. Ayon sa CCC #1030;

“All who die in God’s grace and friendship, but still imperfectly purified, are indeed assured of their eternal salvation; but after death they undergo PURIFICATION, so as to achieve the holiness necessary to enter the joy of heaven.”

Wag na nating gawing technical… malinaw ang sabi PURIFICATION paglilinis, para sa mga taong namatay na wala namang kasalanang mortal ngunit may mga kasalanang venial.

BOK:

Ano ang pagkakaiba ng mortal sa venial na kasalanan?

PAUL:

Ang kasalanang mortal ay kasalanang pumapatay sa ating kaluluwa, ibig sabihin tuluyang pagkwalay sa liwanag ng Diyos, ito ang mga kasalanang intensyon mong gawin, ito mabigat at salungat sa utos ng Diyos, halimbawa na lamang ng pagpatay. Kaya nga pag namatay ka na meron nito tiyak na impyerno ka, ngunit kung venial naman, ito ay yung mga kasalanang di nakamamatay, halimbawa ay kasalanang di mo sinasadya o intensyon. Bagama’t kasalanan pa din ngunit di nakamamatay. Sa banal na kasulatan malinaw ito na ipinahayag sa Unang Sulat ni Juan 5:17;

“Lahat ng kalikuan ay kasalanan, at may KASALANANG HINDI IKAMAMATAY”

Ngayon, kung ikaw ay namatay na may venial sin at ang kasalanang ito ay hindi mo naihingi ng tawad, dadaan ka sa paglilinis bago ka makapasok sa langit.
BOK:

Ahh so ibig sabihin ng purgatoryo ay paglilinis sa kasalanan?

PAUL:

Tumpak! Ok ka Bok ha… at dahil dito ipinapahayag pa nga sa doktrinang ito ang pag-ibig at pagiging mahabagin ng Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig na mababasa natin sa 1 Juan 4:16;

“At ating nakilala at ating sinampalatayanan ang pag-ibig ng Dios sa atin. Ang DIOS AY PAG-IBIG…”

At ang pag-ibig na ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon tayo ng pagkakataon na malinis ang ating kasalanan, ayon sa 1 Pedro 4:8;

“…sapagkat ang PAG-IBIG ay NAGTATAKIP ng KARAMIHANG KASALANAN

Dito pa lamang masasabi mo pa ba na hindi sa Diyos ang aral ukol sa Purgatoryo? Gayung ito ay pagpapahayag ng awa at pag-ibig ng Diyos?

BOK:

Nandoon na ako sa pag-ibig at habag ng Diyos, pero madaling sabihin na binobola mo lang ako para maniwala sa doktrina na iyan! Ang gusto kong malaman eh Biblical ba talaga ang Purgatory?

PAUL:

Ang Biblia mismo ay malinaw na nagpahiwatig sa existensya ng Purgatoryo, sa Lucas 12:59;

“Sinasabi ko sa iyo. Hindi ka lalabas DOON sa anomang paraan, hanggang MABAYARAN mo ang KATAPUS-TAPUSANG LEPTA”

Dito ay ipanahihiwatig na kung gusto mong tuluyang lumaya, sa makatuwid baga’y sa kasalanan kinakailangan mong bayaran ang kahuli-huliang lepta, ipnahihiwatig nito ang proseso ng paglilinis sa prgatoryo na upang ikaw ay makaalis doon at makapasok sa langit, kinakailangan mong bayaran ang kahuli-huliang lepta sa makatuwid baga’y ang malinis. Sa 1 Corinto 3:15

“Kung ang gawa ng sinoman ay masunog ay malulugi siya; ngunit siya sa kaniyang sarili ay MALILIGTAS TULAD SA PAMAMAGITAN NG APOY”

Ano ba ang tintukoy dito na maliligtas TULAD SA PAPAMAGITAN NG APOY? Ano bang meron sa apoy? Biblia ang pasagutin natin mababasa natin sa Zacarias 13:9 ay ito;

“At aking dadalhin ang ikatlong bahagi ng APOY AT SILAY DADALISAYIN ko na parang pilak na DALISAY, at sila’y susubukin ko na parang PAGSUBOK SA GINTO. Silay magsisitawag sa aking pangalan at AKIN SILANG DIDINGGIN…”

Malinaw, may paglilinis na parang ginto na dinadalisay sa apoy, at ang mga nililinis ay tumatawag sa Diyos, anopa’t silay didinggin at ito nga ay katibayan na ang Purgatoryo ay binabanngit sa Biblia at hindi imbento lamang. Dahil ang Diyos talaga ay nagdadalisay ng mga marurumi at makasalanan.

BOK:

Oo! Malinaw doon na ipinapahayag na may paglilinis at pagdadalisay… eh saan mo naman nabasa ang salitang “PURGATORYO”, bakit hindi binanggit ng Biblia?

PAUL:

Di ka ba nakikinig bro! Binanggit na siya… ano ba ang ibig sabihin ng PURGATORY o PURGATORYO? Ito ay nanggaling sa salitang “PURGATIO” na ang ibig sabihin ay CLEANSING O PAGLILINIS.

Sa mga binasa kong talata may nabanggit ba ukol sa PAGLILINIS o PAGDADALISAY?

BOK:

Hmm… Oo na!





Monday, February 3, 2014

PAGBIBINYAG SA SANGGOL (Ano ang halaga ng Ninong at Ninang? At ano ba talaga ang pamamaraan ng binyag, lubog o buhos?)

BOK:

Napag-uusapan na lang din natin ang binyag binyag na yan, eh bakit ba kayong mga katoliko ay nagbibinyag ng sanggol? Hindi ba’t labag yan sa aral ng Biblia? Sa Marcos 16:16 “Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas…” Ang mga sanggol ba may pananampalataya na?

PAUL:

Unang una bakit ba ayaw na ayaw ng mga born again at mga protestante na mabinyagan ang mga sanggol? Eh ang Panginoong Jesucristo nga mismo ay gusto nya na inilalapit sa kanya ang mga sanggol, sa Marcos 10:13-14 ito sabi;

“At dinadala nila sa kaniya ang maliliit na bata, upang sila’y kanyang hipuin: at sinaway sila ng mga alagad”

Dito dinadala ang mga bata kay Jesus upang hipuin, ngunit ang ginawa ng mga alagad ay sinaway, tignan mo dito ha bro ayaw palapitin ng mga alagad ni Jesus ang mga bata, pero ano ba ang sabi ni Jesus;

“Datapuwat ng ito’y makita ni Jesus, ay nagadalang galit siya, at sinabi sa kanila, Pabayaan niyong magsilapit sila sa akin ang maliliit na bata; HUWAG NINYO SILANG PAGBAWALAN: Sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios”

Pumayag ba si Jesus na ilayo sa kanya ang mga bata?

BOK:

(silence)

PAUL:

Brother! Sagot pumayag ba si Jesus na ilayo sa kanya ang mga bata?

BOK:

Hindi…
  
PAUL:

Oh yun naman pala eh… sa halip ang gusto pa ni Jesus huwag ilayo sa kaniya, sapagkat sa mga bata nauukol ang kaharian ng Dios. Eh bakit ang mga Born Again at iba pang grupo ng protestante at Iglesya ni Cristo ni Manalo at marami pang iba ay ayaw pabinyagan ang bata?! Sa pamamagitan ng Binyag ay nakikiisa tayo sa katawan ni Hesus, sabi ni San Pablo sa mga taga Corinto sa Kapitulo 12:13-14;

“…ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging ISANG KATAWAN.”

Kung talagang sa Diyos sila, bakit nila naman ilalayo ang bata na mapasama sa Katawan ni Jesus? So sino ang sumusunod sa Biblia? Sa kagustuhan ni Jesus? Eh di Katoliko! Dahil sa amin hindi namin hinahayaan na ang bata ay hindi makasama o makiisa sa Katawan ni Jesus.

Sa katunayan ugali na ng mga unang Kristyano na magbinyag kasama ang mga sanggol, sa Gawa 16:15;

“At nang siya’y mabautismuhan na, at ang kanyang MGA KASANGBAHAY…”

Ganun din sa 1 Corinto 1:16;

“At binaustimuhan ko rin naman ang SANGBAHAYAN ni Estefanas…”

Kita mo na bro! Pag sinabi bang SANGBAHAYAN o KASANGBAHAY… matatanda lang ba? Pag sinabing SANGBAHAYAN ibig sabihin LAHAT! Matanda man o bata kasama!

Sabi nga sa Catechism of the Catholic Church o CCC, 1246;

EVERY person not yet baptized and only such a person is able to be baptized”

BOK:

Eh sino ba ang nabibinyagan pag nagbibinyag ang pari? Sino ang sumasagot ng AMEN? Eh diba yung magulang at mga ninong at ninang? Ibig sabihin sila ang nabibinyagan at hindi yung bata!

PAUL:

Hehe kita mo iyan! Yan ang mga ka-pilosopohan ng mga ibang sekta, gumagamit ng iba-ibang argument na kinatha nila para lang sabihin na mali ang Katoliko at sila ang tama. As if naman na alam nila kung ano talaga ang BAUTSIMO sa sentido o concepto ng Inang Simbahan.

Tanungin mo alam mo ba ang opisyal na katuruan ng Santa Iglesya ukol sa binyag? Bakit nandoon ang mga magulang? O bakit may mga ninong o ninang? Ikaw palagay mo bakit?


BOK:

Para may pakim-kim? Makabawi sa ginastos sa binyag hehehe…

PAUL:

Kita mo na! Yan ba ang opisyal na turo ng Santa Iglesya tungkol sa pagkakaroon ng ninong o ninang?

BOK:

Di ko alam…

PAUL:

Yan nga ang mahirap sa atin, di natin lubos na nauunawaan pero ang ginagawa pa ay tinutuligsa… lalo na ang ibang sekta, hindi nila lubos na nauunawaan pero kung tuligsain kala mo ay alam na alam nila ang katuruan natin ukol dito.

Ano ba ang sabi ng simbahan ukol sa mga NINANG O NINONG? Sila ba talaga ang nabibinyagan sa tuwinang sila ang sumsagot sa sinasabi ng Pari? Muli sa CCC, 1255 ang sabi;

“For the grace of Baptism to unfold, the parents’ help is important. So too is the role of godfather and godmother, who must be firm believers, able and ready to help the newly baptized-child or adult- on the road of Christian life. Their task is a truly ecclesial function (officium). The whole ecclesial community bears some responsibility for the development and safeguarding of the grace given at Baptism”

May sinabi ba diyan na PAKIMKIM ang dahilan? Nariyan ang mga ninong at ninang para gumabay sa nabinyagang bata, sa ikalalago ng kanyang pananampalataya dahil sila (magulang at mga ninong at ninang) ay may higit na pananampalataya. At hindi sa kung ano pa mang dahilan na ibinibintang ng ibang sekta sa ating mga Katoliko. Sa sulat ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Timoteo 1:5 ito ang mababasa;

“Na inaalala ko ang pananampalatayang hindi pakunwari na nasa iyo; na NAMALAGI muna kay Loida na iyong lelang, at kay Eunice na iyong ina; at ako’y naniniwalang lubos na nasa iyo rin naman” 2 Tim. 1:5

Ang pananampalatayang hindi pakunwari ni Timoteo ay namalagi muna sa kanyang lelang at ina, gayundin din naman sa binyag nating mga Katoliko. Namamalagi muna ang pananampalataya sa mga magulang at sa mga ninong at ninang ng binibinyagan, anopa’t sila ang katulong ng Santa Iglesya upang mapalago ang pananampalataya ng nabinyagang sanggol.

BOK:

Sige sabihin na natin na pwede pala ang sanggol na mabautismuhan, pero hindi ba’t ang pagbabautismo ay sa pamamagitan ng “paglubog”, bakit sa mga katoliko binubuhusan o winwisikan?

PAUL:

Alam mo ba kung saan nabautismuhan si Apostol San Pablo?

BOK:

Saan?

PAUL:

Basahin natin sa Biblia ayon sa Gawa 9:17-18 ito ang ating mababasa;

“ Lumakad nga si Ananias. PUMASOK SIYA SA BAHAY upang ipatong kay Saulo ang kaniyang mga kamay na sinabi: Kapatid na Saulo, ang Panginoon, ang nagsugo sa akin. Siya ay si Jesus na nagpakita sa iyo sa daang iyong pinanggalingan. Sinugo niya ako upang tanggapin mo ang iyong paningin at mapuspos ka ng Banal na Espiritu. 18 Agad-agad na nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis. Natanggap niya kaagad ang kaniyang mga paningin. SIYA AY TUMAYO AT BINAWTSMUHAN.”


Ngayon Bok, saan siya nabinyagan?

BOK:

Sa loob ng bahay?

PAUL:

May lulubugan ba dun? May swimming pool ba dun?

BOK:

Hehe malamang wala!

PAUL:

Ikaw na ang may sabi… J